Terrorium - Beyond Comic Project

Sa pagkakaalala ko, Pebrero nitong taon pa ako kinausap ni Dan Matutina (astig na designer) tungkol sa proyektong ito. Ang tanong niya sa akin, "Game ka ba if ever gumawa ng comics based on a theme, gamit ang iPad Pro? Yung compensation if ever dun sa project is the iPad Pro din." Ang sagot ko agad, "wow! pwede! at tinatanong pa ba yan? haha! game!"

Matagal ko nang pinapangarap magkaroon ng tablet na powerful enough para gamiting pang-drowing. Noong nakaraang taon, talagang pinag-iisipan ko na kung bibili ako ng Wacom Cintiq. Iyun yung Wacom tablet na monitor din kaya parang nagdrodrowing ka na diretsa sa monitor. Ang matagal ko na kasing gamit noon pa ay isang simpleng wacom intuos lang na ang siste ay nakaharap ka sa monitor ng computer pero ang kamay mo nasa tablet lang na walang monitor. Hindi siya natural na katulad ng kapag nagdrodrowing sa papel. Kahit sobrang sanay na ako sa sistemang yun, may kaunting disconnect pa rin kaya gusto ko sana ng Cintiq. Eh ang kaso, ang halaga ng Wacom Cintiq ay kasing halaga na rin ng isang bagong computer kaya hindi ko talaga option yun lalo na kasi nung mga panahong yun, parating na ang baby namin. Kaya talagang iniisip ko na mukhang sa simpleng pen-tablet na lang talaga ako buong buhay.

Kumontak uli sa akin si Dan nung nasa ospital ako at nanganganak na si Princess, ika-26 ng Abril. Sinabi niya na tuloy ang project! Hindi agad tumatak sa isip ko na syet, magkaka-ipad pro na ako dahil sobrang kabado ako nun dahil inaabangan ko ang pagdating ni Elias. Pero pagkatapos naman ng isang linggo, ayun nakuha ko agad!

Maganda itong iPad Pro at Pencil. Sobrang natural gamitin. Ang pinaka-okey na app ay yung Procreate kasi may layers at maraming brushes na pwede ring i-download sa community nila. May perspective guide and assist din para mapadali ang pagdrodrowing ng mga buildings. Kailangan din i-take note na ang native app na Notes sa iPad ay maganda gamitin kasi perfect ang "lapis" na effect dun. Yung Apple Pencil parang nagiging lapis talaga kasi sobrang sensitive niya sa pressure at sa tilt. Ginagamit ko rin ang iPad Pro bilang tablet na nag-mimirror ng computer kaya pwede ko siyang gamitin na parang Cintiq! Kailangan lang ang app na Astropad. Nagagamit ko siya sa Photoshop at sa lahat ng software na naka-install sa computer ko. Heto ang setup ko nun.

Ang theme ng comics ay "Beyond" dahil Beyond the Box (Premium Reseller ng Apple products dito sa Pinas) ang client namin. Ang limitasyon lang ay dapat non-political at inspirational ang gagawin naming kwento. Nagkaproblema ako dito kasi ang temang gusto kong gawin kadalasan ay mature (may sex at violence) at gusto kong isiping political (komentaryo sa religion, gobyerno, kahirapan, etc.) din ang mga gawa ko. Nahirapan akong mag-isip ng kwentong pasok sa requirement nila kaya naisipan kong kausapin si Noel Pascual at Adam David para matulungan akong maka-isip ng kuwento. Swinerte naman na si Adam ay kaka-resign lang sa trabaho nung mga panahong yun at kating-kati magsulat. Nag-prisinta siyang siya ang magsusulat ng kuwento kasi mayroon na siyang naisulat na pasok sa "Beyond" na theme at inspirational rin. At dahil nakatrabaho ko na si Adam sa ibang mga komiks tulad ng TABI PO (editor siya dun), IÑIGO'S DAY OUT (isang komiks pambata na bahagi ng PIKO), at ANG SUBERSIBO (komiks adaptation ng NOLI at FILI), sumang-ayon ako na siya ang magsulat. Ganito rin naman talaga kadalasan ang komiks, isang kolaborasyon ng dalawang tao, writer at artist. At dagdag pa rito, ang mga temang gustong i-explore ni Adam sa pagsusulat ng komiks ay kadalasan gusto ko ring gawin. Kaya swak na swak talaga kami bilang collaborators. Kungbaga, pwede kaming magpatakbo ng Jaeger kasi maayos ang neural handshake namin. We can act as one. Hehe. Pasensiya, kakapanood ko lang kasi uli ng Pacific Rim.

Heto ang synopsis ng kuwento namin:

Malonzo and David’s TERRORIUM is a story about the days after the world has ended, not in bombs or tanks or guns, but in violent outgrowths of carnivorous flowers. In this post-historic Earth, we follow Sanchez and Gonzales, two colonists assigned to find out what exactly happened to a major scientific expedition that has gone radio silent for two months. What does this New World Eden have in store for the human race, where the apple and the snake are one and the same?

Gumawa ako agad ng sketches para dito.

Ang dalawa pang artists na kasama sa project na ito ay sina Harvey Tolibao at si Manix Abrera. Maganda ang combination naming tatlo dahil iba-ba ang background at style namin. Walang pareho. Sa gawa ni Harvey, makikita mo ang kahusayan ng kamay niya. Yung style niya madetalye at traditional na Marvel/DC na malinis at flawless. Yung kay Manix naman minimal pero malalim. Yung gawa niya dito makabagbag-damdamin talaga. Makikita niyo pag nabasa niyo na. 

Heto ang video tungkol sa proyektong ito. 

Heto naman ang video tungkol sa akin:

Heto naman ang timelapse video ng paggawa ko sa cover nung kwento namin ni Adam na Terrorium ang pamagat.

Narito naman ang unang apat na pahina ng TERRORIUM. I-click niyo na lang ang zoom in sa upper right para mas mabasa ang texts. Ginawa kasi ito para sa print kaya ganyan ang size. 7in x 10.5in ang real world dimension ng comics.

 

Mabibili ang Beyond comics na ito sa Asiapop Comicon ngayong darating na August 26-28. At dahil promotional thing ito ng Beyond the Box, hindi daw pala sila dapat mag-earn dito, lahat ng kikitain dito ay mapupunta sa charity. At mabibigyan din pala kami ng sarili naming kopya na pwede naming ibenta. So pwede po kayong mag-abang dito o sa facebook ko ng announcement kung paano umorder sa akin. 

Kitakits po soon! 

PS: 20 pages lang ang TERRORIUM dito pero mas mahaba pa ang kuwentong ito ni Adam. Balak namin na ituloy pa ito kapag nagka-oras na.