Tabi Po: Painting

Acrylic on canvas
18 in x 24 in

"Isang araw, ang tanyag na pintor sa San Diego na si Juan Hidalgo ay nagpinta ng larawan nina Tasyo, Elias, at Sabel. Habang ginagawa niya ang dibuho, may napansin siyang kakaiba sa tatlong modelo niya. Iba ang tama ng ilaw sa kanilang mga mata at ang kanilang kuko ay may nakasingit na kung anong kulay pula. Mukha itong dugo 'pero hindi naman maaari yun', ang sabi niya sa kanyang sarili. Ipinagsawalang-bahala na lamang niya ang mga iyon. Kailangan din kasi niya ng pera dahil baon na sya sa utang dahil nilustay niya sa alak ang kaunti niyang ipon dahil iniwan siya ng kanyang kasintahan. 

Nang matapos ni Juan Hidalgo ang larawan ay hindi na siya nakita pang muli. Ang sabi-sabi ng taumbayan ay binayaran daw siya ng limpak-limpak  para sa obrang ito at nagpasya siyang magbagong-buhay sa ibang lugar. Ngunit may kaunting taong naniniwala na ibang-iba ang sinapit ni Juan at hindi ito kanais-nais."

 


 

Ahoy mga giliw na mambabasa!  Andito nanaman ako at nagpapakita ng bagong artwork. Mayabang kasi ako! Hehehe! Pero heto kasi ang unang beses na nag-document ako ng buong proseso ng aking pagpipinta kaya excited akong ibahagi sa inyo! Buti na lang may Time Lapse na app na tinatawag na "Lapse It" kaya di naging mahirap ang mismong pagdodokumento ng proseso. 

Nakakaaliw panoorin ang pagbabago-bago ng painting mula sa una nitong anyo hanggang sa pinakahuli. Kung pinanood nyo ang video sa taas, mapapansin ninyong maraming beses kong pinalitan ang mukha ni Sabel at pati nga si Tasyo - noong una nakalugay ang buhok tapos sa huli nagpasya ako na naka-pony na lang sya. Feeling ko kasi kung nagpapa-portrait sya, gusto nya proper ang hitsura nya. Kahit ang background, maraming beses din nagbago. Yung mga pagpapasya ko sa ganyang mga bagay ay kasama sa proseso at kadalasan instinct lang ang sinusunod ko sa pagdedesisyon.

Heto gumawa ako ng slideshow na may comments para maipaliwanag ko ang aking mga desisyon sa pabago-bagong hitsura nila:

Ayun! Paminsan-minsan pag pinapanood ko yung mga videos habang ginagawa ko, naiisip ko na parang mas maganda yung mga naunang "regeneration" ng mga mukha nila. Minsan hinahabol kong ibalik pero kadalasan hinahayaan ko na lang. Kasama kasi sa proseso yun. Basta ang nasa utak ko habang ginagawa ko ito ay dapat yung style ay magmukhang noong panahon ng mga kastila ginawa. 

Ang pinakahuli kong ginawa na napanood nyo rin sa video ay naglagay ng subtle na mga dugo sa mga detalye. Sa unang tingin, iisipin mo na normal na painting lang ito ng tatlong tao. Pero kapag nakita mo na ang mga detalye, madidisturb ka sa mga ito.

May dugo sa mga kamay at mga damit nila! Hmmm... ano na nga kayang nangyari kay Juan Hidalgo matapos n'yang gawin ang obrang ito?

Available ang "Tabi Po" sa National Bookstores, Powerbooks at sa iba pang bookstores tulad ng Uno Morato. Malapit na rin ang isyu2! Abangan!