My New Logo + Rubber Stamp Tutorial

Sep 8, 2015

Bago ang lahat, importanteng update lang sa buhay ko: Kasal na kami ni Princess nitong ika-28 ng Agosto. Heto ang pics:

Okey, ngayong nasabi ko na, balik tayo sa topic. Napagpasyahan kong gumawa ng stamp na logo para sa asawa (naks!) kong si Princess para ipang-tatak niya sa dumarami niyang koleksyon ng libro. 

Dahil sa ganda at cuteness ng nagawa kong stamp para sa kanya, nainggit ako. Mayroon na akong stamp ng sarili kong logo pero hindi ko na gusto ang logong ito dahil mabilis at hindi ko masyadong pinag-isipan ang paggawa nito.

Taong 2010  ko pa yata ito ginawa kaya siguro panahon na rin para gumawa ng mas bago at mas timeless na logo. Dalawang ‘M’ at may pagka-mukhang ipis ang dating logo at gusto ko pa ring ito ang maging basic na concept ng bago.

Gumawa ako ng studies. 

Sa papel ko muna ginagawa para kung anong maisip kong form, madrodrowing ko agad at marami naman akong naisip gawin. Karamihan, kamukha pa rin ng dating logo. Hanggang sa nag-isip ako ng ibang variation. Nakatulong ang feedback ni Princess sa pag-narrow down ng choices. At nagpasya kaming ito ang pinaka-swak sa concept:


May pagka-insect pa rin naman at simple lang na dalawang letter ‘M’ ito. Nagmukha lang itong gagamba kaysa ipis pero sobrang swak din kasi WEB designer naman ako at sinasabi nila na parang gagamba rin ang mga manunulat kasi naghahabi kami ng mga kwento. Dagdag pa dito, maraming takot sa gagamba kaya sobrang bagay dahil horror naman ang karamihan sa mga komiks ko. So ito ang aking bagong logo:

At agad-agad akong gumawa na rin ng stamp. Heto ang isang simpleng tutorial ng proseso ng paggawa ko ng stamp.

Material: maliit na rubber sheet. Nabili ko sa Deovir sa pinakataas na floor ng Megamall A. Meron ding branch nito sa Sm North at ang main branch ay sa Recto ata.


Ginoogle ko lang ito pero ganito mismo ang hitsura ng ginamit ko.

Carving tools ang gagamitin sa pag-ukit.

Una, dahil wala akong printer, kinailangan kong kopyahin nang mano-mano ang logo mula sa computer screen. Gamit ang sukat at proportion sa screen, samahan na rin ng tiwala at magic, nagawa ko naman nang maayos ang pagkopya dito.

Lapis ang gamit ko, 6B, Para madaling itransfer sa rubber yung image. Para itransfer, babaligtarin mo lang yung papel na may logo at ipapatong sa rubber. Tapos habang sinisiguradong hindi gagalaw ang papel, kikiskisin (rub) mo yung papel sa rubber. Sa ganitong proseso, ang graphite ng lapis na nasa papel ay maililipat sa rubber sheet. Mainam gumamit ng mga curved surface sa pagkiskis dito. Pwedeng kutsara, pwedeng kuko — ito ang gamit ko kasi maliit na pattern lang naman.


Nailipat na ang imahe.

Pwede na simulan ang pag-ukit. Dahil maliit at manipis ito, kinailangan kong maging maingat at pasensyoso sa pag-ukit.

Kailangan mo lang alisin lahat ng negative space at siguruhing yung imahe lang ang nakaalsa. U-shaped na pang-ukit para sa malalawak na area, V-shaped sa mas maliit na area at kaunting detalye, at Straight na angled na pang-ukit naman sa mga butas at mas maliliit na detalye. 

Pagkatapos kong i-test kung maayos ba ang imprint nito sa papel, lalagyan ko ng handle. Epoxy lang ang gamit ko na mabibili sa hardware. Pagkatuyo, ididikit ko lang sa likod ng rubber gamit ang mighty bond.

Pwede na mag-stamp!!!

Ayan! Di na ko maiinggit kasi maganda na rin ang logo ko!