Ang Subersibo: Noli at Fili komiks - Malapit na!

Malapit na pong mai-release ang unang isyu ng "Ang Subersibo." Ito ay ang pagsasakomiks namin ni Adam David ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Naibigay na namin ang mga files sa Anino Comics kaya kaunting panahon na lang at mailalabas na ito. 

Heto ang maiksing synopsis: 

Oktubre 1881. Las islas Filipinas. Maynila. Isang batang iskolar ang umuwi matapos ang pitong taong pag-aaral sa Alemanya upang simulan ang kanyang buhay-propesiyonal bilang guro sa bayang sinilangan. Asawa, pamilya, maayos at tahimik na pamumuhay ang mga simpleng mithiin ng iskolar na ito, ngunit ang kasaysayan at tadhana ay may ibang mga plano ...

Mula ideyalismo patungong terorismo, ANG SUBERSIBO ay ang masalimuot, moral, at melodramatikong trahedya ng buhay ni Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin. Sino ang binatang ito? Anong sakuna ang nagtulak sa kanya para iwan ang kanyang buhay ilustrado upang maging isang arsonista at filibustero?

Halaw sa mga nobela ni Jose Rizal at isina-komiks nina Adam David at Mervin Malonzo, ANG SUBERSIBO ay isang tapat at matapang na pagsusuri ng ideyalismo, kolonyalismo, at ang buwis ng dahas at rebolusyon sa bayan at sa indibidwal na pagkatao.